21 February 2020

Hintayan, Himlayan, Hantungan



Kung pipiliing mahimlay sa aking mga yakap

Ay aking ikagagalak, tulad ng buwang magbabantay sa mga bituin sa dagat ng karimlan

Habang ika'y payapang mamamasyal sa katahimikang kalakip ng katiting na liwanag, ay kaligayahan kong maiduyan ka sa'king balintataw

 


Hanggang dumating ang umagang hudyat ng muli mong pag-alpas

Bukas-palad ka'ng palalayain nang walang pagdaramdam o pagpiglas

'Di maghahangad sa iyong paglingon o pagtanaw, kung kapalit ay kapirasong kaligayahang sa piling ko'y tila laging kulang

 


At pagsapit ng dapithapon, muling maghihintay

Sakaling mapagod, naising tumahan sa mga bisig na handa kang yakapin

Batid mang pagkakataon ay hiram, hangganan ay tiyak, oras ay may bilang

 


‘Pagkat may espasyong laging nakalaan para sa iyo, at iyo lamang

Kahit nakatakda na ang paulit-ulit mong paglikas at pamamaalam

Sa sandaling sumikat muli, sinag ng kinabukasan

 


 Iguguhit na lamang, mga bakas ng kahapon at ngayong nariyan ka at narito ako

Dahil ang pagdating at paglisan mo'y bahagi na ng siklong walang katapusang aabangan at hahabulin ko

Katumbas ng saglit na maramdamang mayroong ikaw at ako

 


Makaaasa kang may hintayang lagi kang tatanggapin

Habang ang pinto ng himlayang nais mo'y, di ka pa kayang pagbuksan at kanlungin

Dahil batid namang ang hantungan sa piling ko ay di siyang iyong kailangan at hangarin