01 October 2019

Hintayan, Himlayan, Hantungan



Kung pipiliing mahimlay sa aking mga yakap
Ay aking ikagagalak tulad ng buwang magbabantay sa mga bituin sa dagat ng karimlan
Habang ika'y payapang mamamasyal sa katahimikang kalakip ay kalungkutang hatid ng nagdaang araw

Hanggang sa pagsapit ng umagang may dalang bagong dahas
Kung saan ay tuluyan kang muling aalpas
Para subukang hanapin kaligayahang sa diko ko'y di mamalas

Paglubog muli ng araw, ako parin ay maghihintay
Sakaling mapagod, dalawin ng kalungkutan, piliing umuwi't dumuyan sa mga bisig na muli kang tatanggapin
Batid mang pagkakataon ay hiram, hangganan ay tiyak, oras ay may bilang

‘Pagkat may espasyong laging nakalaan para sa iyo at iyo lamang
Kahit itinakda na ang paulit ulit mo ring paglikas at pamamaalam
Sa sandaling masilayan sinag ng kinabukasan

Iguguhit na lang mga bakas ng kahapon at ngayong naroon man nariyan o nandito sa dibdib
Malapit man, di tiyak, o di kaya ay malayo sa'king tabi
Dahil ang pagdating at paglisan mo'y bahagi na ng siklong walang katapusang aabangan at hahabulin ko maramdaman lamang na minsa'y may ikaw at ako

Kaya't makakaasa kang ang hintayang itoy patuloy kang pagbubuksan
Habang ang pinto ng tahanang nais mong maging himlayan ay di pa matanaw
Dahil batid namang ang hantungan sa piling ko ay di syang iyong pangarap at kailangan

No comments: